madami dyan ang nagtataka kung bakit tagalog ang blog ko. siguro iniisip nyo, hindi ako marunong mag-ingles. mali kayo. tagalog ang blog ko dahil gusto ko dahil blog ko to. marunong ako mag-ingles. nag-training ako ng ESL bago ako nakapagtrabaho sa call center. bago ko nabuo ang konsepto ng blog na ito, iba ang nasa isip ko. fashion blog sana ito. kaso, hindi naman ako mayaman. maaaring fashionista ako pero hindi ko afford ang mamahaling bagay kagaya ng mga damit, sapatos, bags at kung ano-ano pa. namimili ako sa divi at malls minsan sa isang taon. sa ukay-ukay ay nakikihalukay din ako. sa ebay at multiply. lahat yan ay minsan sa isang taon lang. mas madalas, nanay ko ang bumibili ng gamit ko sa amerika at saka nya ipapadala ang mga iyon sa amin. pero minsan lang din yan sa isang taon. kung fashion blog ang gagawin ko, baka maubusan ako. binago ko na lang ang ideya ng pagsusulat na gagawin ko. tagalog na lang, sabi ko sa sarili ko. para maipaliwanag ko ng mabuti ang gusto kong sabihin. para hindi masakit sa mata ng ibang pinoy na makikibasa sa blog ko. pero naisip ko pa rin na subukan ang pagsusulat sa ingles. dun sa kabilang blog ko, ingles ito pero hindi ko masyadong sinusulatan. alam ko din na hindi perpekto ang grammar ko. so what? puro taga-ibang bansa ang visitors ng blog na yun. and i'm sure they don't mind kung tama o mali ang grammar ko.
pangalawa kong naisip kung anong title ng blog ko. unang title nyan ay landslide. kaso ayoko na. hindi makatotohanan. hindi naman ako taga-Baguio. ano pa kaya? hanggang sa sumulpot sa utak ko ang salitang "bodega".
nung bata pa kami, sa bahay namin sa tondo... may isang maliit na built-in aparador sa sulok ng third floor ng bahay namin. mga isang dipa lang ang sukat nito. duon nakatambak lahat ng lumang laruan, tsinelas, damit, basag na plato, daga, medyas, basahan, at kung anu-anong abubot na hindi na kailangan. kapag binubuksan ito, humahalimuyak ang amoy ng pinaghalo-halong lumang kagamitan at alaala. sabi ko ulit sa sarili ko, hindi ba parang bodega din ang isip ng tao? lahat ng luma o bago, masaya o malungkot, maganda o pangit, nakakadiri at hindi, lahat yan, sa isip natin nakatambak? aaah... tama! bodega na lang ang ipapangalan ko sa blog ko!
pangatlo kong naisip, may magbabasa kaya ng blog ko? pero bakit ako mag-aalala? labag na labag sa kalooban ko ang ipagyabang ang mga bagay na meron ako. sabi nila, i-promote ko daw ang blog ko. ha? ayoko nga. mag-follow daw ako ng isang sikat na blog para ng sa ganun ay may magka-interes na sumilip ng blog ko. ha? ayoko nga. bahala na ang taong bayan na kumilala sa ginagawa ko. hindi naman ako taga-DPWH na gumagawa ng kalye sa tanghaling tapat kung kelan maraming dumadaan para lang ipakita sa lahat na kumikilos ako. sa totoo lang, kahit kapatid ko na sa kabilang kwarto lang natutulog at may sariling computer at blog ay hindi alam ang URL ng blog ko. para naman kaming tanga kung ipa-follow namin ang isa't isa at magko-comment sa isa't isa na para bang hindi magkakilala. kaya nga, di bale ng walang magbasa, pasasaan ba, malalaman din ng lahat ito. may sikreto pa ba sa internet ngayon?
hindi ako writer. hindi ako designer. hindi ako photographer. hindi rin ako sikat. isa lang akong maybahay ng isang data encoder at may tatlong anak na may edad na 11 pababa. wala akong trabaho. hindi rin ako gimikera. ni hindi ko nga alam ang papuntang The Fort. mahilig ako sa fashion, arts and music. pero parang lahat yun ay walang interes sa akin kung minsan.
maaaring maraming bagay ang hindi tiyak tungkol sa akin. marami din bagay na wala ako. hindi na mahalaga ang mga yun. sa ngayon, masaya lang ako sa buhay ko. basta may kamera ako at may internet connection, okay na ang maghapon ko. araw-araw, may mahahalukay ka sa bodega ko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento